
๐๐๐ -๐๐ซ๐๐ฅ, ๐ฆ๐๐ -๐จ๐ซ๐ ๐๐ง๐ข๐ฌ๐, ๐๐ญ ๐ฆ๐๐ค๐ข๐๐๐ค๐ ๐ฉ๐๐ซ๐ ๐ข๐ญ๐๐ ๐ฎ๐ฒ๐จ๐ ๐๐ง๐ ๐ฆ๐ ๐ ๐ฌ๐ฎ๐ฌ๐ฎ๐ง๐จ๐ ๐ง๐ ๐๐๐ค๐๐๐ ๐ง๐ ๐ฆ๐ข๐ฅ๐ข๐ญ๐๐ง๐ญ๐, ๐ฉ๐ซ๐จ๐ ๐ซ๐๐ฌ๐ข๐๐จ, ๐๐ญ ๐ฆ๐๐ค๐๐๐๐ฒ๐๐ง๐ ๐ฎ๐ง๐ฒ๐จ๐ง๐ข๐ฌ๐ฆ๐จ!
Pahayag ng All UP Academic Employees Union-National sa buwan ng pag-uunyon at ika-25 anibersaryo ng pagtatag ng tunay na MPMU!
Sa pagdiriwang ng 25 taon ng militante, progresibo, at makabayang unyonismo (MPMU), iginigiit ng AUPAEU ang mas mataas at nakakabuhay na sahod para sa mga guro, REPS, kawani, JO/COS, agency-hired at iba pang klase ng manggagawa sa Unibersidad, pagbibigay ng dagdag benepisyo, proteksyon sa kalayaang akademiko, mas malaking budget sa edukasyon, at regularisasyon ng mga kontraktwal.
Sa nakaraang mahigit na dalawang dekada ng ating unyon, mahigpit at lubos tayong kumapit sa prinsipyo ng militante, progresibo, at makabayang unyonismo, na nakaangkla sa paglaban para sa karapatan sa edukasyon at pakikiisa sa mga batayang sektor ng masa.
Ang MPMU ang nagsisilbing pangunahing katangian ng isang unyong tunay na nagtutulak ng interes ng rank-and-file na empleyado at kontraktwal na manggagawa sa usapin ng sahod, benepisyo, kasiguruhan sa trabaho, at mga karapatan. Ang pagiging militante, progresibo, at makabayan ay mga katangiang patuloy na nagpapaalab ng ating sigla at katapatan sa masa, imbis na isuko, ipagbili, o ipagpalit ang ating mga laban katumbas ng mga konsesyon ng administrasyon o estado.
Ibinubuklod din nito ang ating mga lokal na pakikibaka sa mga mas masaklaw na isyu tulad ng burukrata kapitalismo, pyudalismo, at imperyalismo na patuloy na nagpapahirap sa ating bayan. Ang mga salik na ito ang nagpapatindi ng ating mga suliranin bilang mga guro at manggagawa sa sektor ng edukasyon dahil nililikha nila ang sunod-sunod na krisis pang-ekonomiya at pampulitika.
Sa ating pilak na taon, mas lalo pang binawasan ang budget sa edukasyon, na magreresulta sa pambabansot ng sahod; kawalan ng sapat na espasyo, kagamitan, at pasilidad sa ating mga paaralan; pagsasapanganib ng mga karampatang benepisyo tulad ng CNA incentive at serbisyong kalusugan; at lalong paglaganap ng kontraktwalisasyon kung saan mas makakaiwas pa ang estado sa pananagutan nito.
Higit sa kalahati na nga ng hininging pondo ng Unibersidad ang hindi ibinigay sa panukalang budget. Binawasan pa ito ng halos 3 bilyong piso kumpara sa nakaraang taon. Sa kabuuan, ang malaking kaltas sa budget ng Unibersidad at ng iba pang mga state colleges and universities (SUCs) ay magdudulot ng pagbaba sa kalidad ng edukasyon at mas matinding kahirapan para sa mga manggagawa nito.
Tinutulak din ng budget cuts ang Unibersidad na magnegosyo, magbenta, o magpaupa ng mga lupain sa mga paluging kasunduan sa mga pribadong investors tulad ng proyektong SDG Park at mga naunang GyudFood at Dilimall. Ang komersyalisasyon na ito ng edukasyon ang nagpapahina sa responsibilidad ng Unibersidad sa mamamayan dahil sa pag-prioritisa sa kita kaysa sa pagpapaunlad ng akses sa kalidad na edukasyon.
Kapaki-pakinabang sa bulok, pasista, at kurakot na estado ang pagkait sa mga serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon. Imbis na pangalagaan ang karapatan sa edukasyon ng bawat Pilipino, mas inaatupag nito ang pagpopondo sa mga atake sa mga aktibista, unyonista, human rights defenders, at iba pang progresibong indibidwal at organisasyon.
Sa 2027 budget, lumaki pa lalo ang pondo ng mga ahensya tulad ng PNP, AFP, at NTF-ELCAC, at napanatili ang confidential at intelligence funds (CIF) ng Office of the President at iba pa. Sa pananakot at pagpapatahimik ng mga lumalaban para sa katotohanan, napapalakas pa lalo ang pagnanakaw ng mga Marcos, Duterte, at ng kanilang mga kasosyong pulitiko. Pinapayabong din ng pasismo ang sabwatan ng mga nasa puwesto at imperyalistang US na kinokontrol ang ekonomiya at pulitika ng Pilipinas para malimas ang yamang likas nito sa anyo ng mga proyektong tulad ng Pax Silica at Luzon Economic Corridor (LEC).
Ang anyo ng panggigipit sa ating unibersidad: harassment at red-tagging ng mga estudyante, guro, at mga organisasyon, at pagpasok ng militar at pulis sa ating mga kampus.
Pinapasok din nila ang ating mga pananaliksik, akademikong programa, at institusyon para makipagkooperasyon, samantalang klaro ang kanilang pakay na programang anti-insurgency na bumabanat sa aktibismo at pag-oorganisa. Kaakibat nito ang paggamit ng batas at lahat ng rekurso ng gobyerno, at ang pagpapalaganap ng kanilang naratibo na terorismo ang pambansang demokratikong pakikibaka.
Kaya mananatiling bahagi ng MPMU ang pagtataguyod ng edukasyong makabayan, siyentipiko, at makamasa para tunay na maitaas ang ating kamalayan sa ugnayan ng mga suliraning ito ng ating lipunan. Hindi tayo makakaalpas sa pagkakaalipin sa mga imperyalista, malalaking dayuhang negosyo at malalaking burgesya komprador, burukrata kapitalista, at panginoong maylupa sa ilalim ng edukasyong nagkokondisyon sa atin na maging maamo at mangmang.
Kailangang maunawaan natin ang sistematikong pananamantala mula sa lokal hanggang sa internasyonal na antas para mahimok silang mag-organisa at kumilos. Esensyal din ang kalayaang akademiko at kalayaan sa pag-oorganisa at pamamahayag para sagupain ang mga atake ng estado. Tumindig tayo para sa ating kalayaang mag-aral, magturo, manaliksik, magsagawa ng pampublikong serbisyo at extension work, at mag-organisa.
Sa paggunita sa mahabang kasaysayan ng MPMU, inaanyayahan ang lahat sa Unibersidad na patuloy na mag-aral, mag-organisa, at makibaka. Palalimin ang ating pag-unawa sa mga isyung kinakaharap ng mga manggagawaโt sambayanan, patatagin ang ating pagkakaisa at organisasyon, at kumilos para sa pagsusulong ng nakabubuhay na sahod, makatarungang benepisyo, mas malaking badyet para sa edukasyon, kalayaang akademiko, at anti-imperyalistang laban.
Sa harap ng patuloy na mga hamon, manatili tayong militante, progresibo, at makabayan sa pagsusulong ng karapatan at kapakanan ng komunidad ng UP at ng sambayanang Pilipino.
Isulong natin ang 50k na entry-level na sahod para sa kaguruan sa buong sektor ng edukasyon, 36k para sa SG-1, itaas ang personnel economic relief allowance (PERA) tungong 5k, ipagkaloob ang 40k professional development grant (PDG), at sapat na year-end incentive para sa mga manggagawang kontraktwal.
Palakasin natin ang ating mga pagkilos laban sa mga anyo ng pasismo at pakikialam ng estado tulad ng red-tagging, terror-grooming, at mga malagim na kasunduan sa pagitan ng ating mga institusyon at militar at pulis.
Paigtingin natin ang ating pakikibaka laban sa imperyalistang US na patuloy na pumapatay sa mga mamamayan ng mga neokolonya at Global South sa pamamagitan ng gutom at gera.
Itaguyod natin ang makabayan, siyentipiko, at makamasang edukasyon.
Magpaka-aktibo sa ating unyon at makiisa sa malawak na hanay ng masa!
Mabuhay ang MPMU! Maglingkod sa sambayanan!

Leave a Reply